29/04/2026
Pwede bang buksan ang ITR ni VP Sara Duterte? Legal ba talaga?
Mainit ngayon ang usapan tungkol sa posibilidad na buksan ang Income Tax Returns (ITR) ni VP Sara Duterte, pati ng kanyang asawa at mga negosyong iniuugnay sa kanya. Pero linawin natin, hindi ito simpleng usapin ng transparency. Usapin ito ng batas, Konstitusyon, at tamang proseso.
ITR: โPublic recordโ ba talaga?
Unang punto, kahit sinasabing โpublic recordโ ang ITR sa ilalim ng Section 71 ng National Internal Revenue Code (NIRC), hindi ito basta-basta bukas sa publiko. May malinaw na kondisyon, kailangan ng pahintulot ng Pangulo at pagsunod sa itinakdang proseso. Dagdag pa rito, sa ilalim ng Section 270 ng NIRC, bawal ilabas ang tax information nang walang legal na authority, at may kaakibat itong criminal liability. Kaya sa praktika, nananatiling confidential ang ITR, maliban kung may malinaw na legal na batayan para ibunyag ito.
Kapangyarihan ng Kongreso, may hangganan
Totoo, may kapangyarihan ang Kongreso na mag-imbestiga sa ilalim ng Article VI, Section 21 ng Konstitusyon. Pero hindi ito absolute. Sa Bengzon v. Senate Blue Ribbon Committee, binigyang-diin ng Korte Suprema na ang imbestigasyon ay dapat tunay na โin aid of legislation.โ Hindi ito maaaring gamitin para lamang mag-usig ng mga indibidwal o manghimasok sa mga kasong nasa hurisdiksyon na ng korte. Dagdag pa, kailangang igalang ang mga karapatan ng mga taong sangkot sa imbestigasyon.[1]
Puwede bang pilitin ang paglabas ng ITR?
Kung sa BIR manggagaling ang ITR, dito nagiging kritikal ang usapin. Dahil sa Section 270, hindi basta maaaring pilitin ang BIR na ilabas ito nang walang malinaw na legal basis. Kung gagawin ito nang labag sa batas, maaari itong magresulta sa criminal liability.
Pwede bang i-compel ang Vice President?
Hindi rin automatic na hindi maaaring tawagin ang Vice President o ibang executive officials. Sa Senate v. Ermita, malinaw na maaaring i-compel ng Kongreso ang kanilang pagharap kung ang imbestigasyon ay tunay na in aid of legislation. Gayunman, may mahahalagang limitasyon:
(a) Hindi dapat ito maging fishing expedition;
(b) Kailangang may malinaw na legislative purpose; at
(c) Kung may itataas na objection (hal. executive privilege), dapat ito ay specific, malinaw, at properly invoked.[2]
Subpoena: hindi rin absolute
Sa Neri v. Senate, kinilala ng Korte Suprema na kahit may subpoena ang Senado, hindi absolute ang obligasyon na sumagot. Maaaring tumanggi ang isang opisyal kung:
(a) May valid na claim ng executive privilege
(b) Maayos itong na-invoke (hindi general o blanket)
(c) At limitado lamang sa mga tanong na saklaw ng privilege
Importante, hindi ito pahintulot para tumanggi sa lahat, selective at justified refusal lamang ang pinapayagan.[3]
Paano kung impeachment?
Mas malakas ang kapangyarihan ng Kongreso kapag ito ay kumikilos bilang impeachment court. Ngunit hindi ibig sabihin nito na awtomatikong nawawala ang confidentiality ng ITR. Mas tamang pagtingin:
(a) Maaaring mas lumakas ang pangangailangan sa ebidensya
(b) Pero kailangan pa rin ng lawful process
(c) Dapat may malinaw na relevance sa kaso
(d) At dapat igalang ang umiiral na batas sa tax secrecy at constitutional rights
Sa madaling salita, hindi automatic override ang impeachment sa confidentiality ng ITR, kailangan pa rin itong ipaglaban sa tamang legal na batayan.
Mas sensitibo: asawa at negosyo
Mas lalo pang nagiging komplikado kung asawa o mga negosyo ang pag-uusapan. Sila ay private individuals at hiwalay na legal entities. Ibig sabihin, mas mataas ang antas ng proteksyon nila sa ilalim ng batas. Kung walang malinaw at direktang koneksyon sa isyu, maaaring ituring ang paghingi ng kanilang ITR bilang paglabag sa right to privacy o bilang overbroad inquiry.
Ang bottom line
Ang prinsipyo ay malinaw:
(a) Ang ITR ay confidential;
(b) May proseso bago ito mabuksan;
(c) May limitasyon ang kapangyarihan ng Kongreso; at
(d) Hindi pwedeng lampasan ang batas kahit gaano kalaki ang isyu.
Hindi lang ito tungkol kay VP Sara Duterte. Ito ay tungkol sa mas malaking tanong: Hanggang saan ang kapangyarihan ng gobyerno, at saan nagsisimula ang karapatan ng mamamayan?
Sa isang demokratikong sistema, iisa lang ang sagot: Dapat laging umiiral ang batas.
References:
[1] Bengzon v. Senate Blue Ribbon Committee, G.R. No. 89914 (1991)
[2] Senate v. Ermita, G.R. No. 169777 (2006)
[3] Neri v. Senate, G.R. No. 180643 (2008)
Photo courtesy of Philippine Daily Inquirer. No copyright infringement intended. For news and commentary use only.