05/02/2026
Kinatigan ng ang hatol na habambuhay na pagkakakulong sa Australyanong si Martin Cook para sa trafficking ng apat na menor de edad. Inihayag ng Korte na maaari pa ring maisagawa ang trafficking kahit may pagpayag ng mga menor de edad at kahit walang pamimilit, pang-aabuso, o panloloko laban sa kanila.
Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Antonio T. Kho, Jr., sinentensiyahan ng Ikalawang Dibisyon ng Korte Suprema si Cook at pinagbayad ng PHP 2-Milyong multa at PHP 600,000.00 na danyos sa bawat isa sa apat na biktima nito na mga batang lalaki na may edad 11 hanggang 13 taong gulang. Sinabi ng Korte Suprema na may sala si Cook dahil sa pagtanggap nito sa mga bata sa kanyang bahay para sa prostitusyon at sekswal na gawain.
Muling binigyang-diin ng Korte na dahil ang habambuhay na pagkakakulong ay itinakda ng isang special law o natatanging batas kriminal (Republic Act No. 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, na inamyendahan ng Republic Act No. 10364), hindi maaaring isaalang-alang ang anumang mga mitigating o iba pang modifying circumstance, sapagkat hindi nito sinusunod ang sistema at katawagan ng mga parusang nakasaad sa Revised Penal Code (RPC).
Nag-ugat ang kaso sa hiling ng Department of Social Welfare and Development sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga aktibidad ni Cook kaugnay umano sa trafficking.
Matapos magkaroon ng pagmamatyag malapit sa bahay ni Cook, nakapanayam ng NBI ang apat na bata na nagsabing inimbitahan sila ng mga kaibigan nila para pumunta sa bahay ni Cook para sa pagkain at pera kapalit ng sekswal na serbisyo.
Dalawa sa apat na biktima ang nagsabi na nakilala nila si Cook sa Facebook.
Magkaiba ang sentensiyang iginawad ng Regional Trial Court (RTC) at ng Court of Appeals (CA). Hanggang 20 taon na pagkakakulong ang hatol ng RTC dahil isinaalang-alang nito ang katandaan ni Cook, na noon ay may edad na 76, bilang “privileged mitigating circumstance” para mapababa ang sentensiya. Pero itinaas ng CA ang parusa sa habambuhay na pagkakakulong dahil ang edad ni Cook ay isa lamang “ordinary mitigating circumstance” na makakapagpababa lamang ng parusa sa minimum na baitang. Ngunit dahil “indivisible penalty” o hindi maaaring hatiin ang parusang habambuhay na pagkakakulong, hindi na ito mapapababa pa.
Nagpasya ang Korte Suprema na napatunayan ang lahat ng elemento ng qualified trafficking at pinagtibay nito ang hatol na pagkakasala kay Cook pati na ang parusang habambuhay na pagkakakulong.
Nilinaw ng Korte Suprema na dahil ang Republic Act No. 9208, na inamyendahan ng Republic Act No. 10364, ay hindi sumusunod sa balangkas ng mga parusa sa Revised Penal Code, anumang mitigating circumstance na pabor kay Cook ay hindi maaaring isaalang-alang.
Basahin ang kabuuan ng Press Release sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=160217
Basahin ang kabuuan ng Desisyon sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=160212
Sumunod sa Credit Attribution Policy ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/