17/08/2026
Inabsuwelto ng ang isang babae sa kasong 𝘣𝘪𝘨𝘢𝘮𝘺. Ayon sa Korte, maaaring gamiting depensa ang naunang kasal na walang bisa na mula pa sa simula (𝘷𝘰𝘪𝘥 𝘢𝘣 𝘪𝘯𝘪𝘵𝘪𝘰), kahit wala pang naunang desisyon ng hukuman na nagpapawalang-bisa rito.
Sa isang Desisyong isinulat ni Kasangguning Mahistrado Alfredo Benjamin S. Caguioa, binaligtad ng Ikatlong Dibisyon ng Korte Suprema ang mga naunang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) ng Pampanga at Court of Appeals (CA) na humatol kay Ma. Fe Imelda Lapira (Lapira) na nagkasala sa 𝘣𝘪𝘨𝘢𝘮𝘺.
Kinasuhan si Lapira ng 𝘣𝘪𝘨𝘢𝘮𝘺 sa ilalim ng Artikulo 349 ng Revised Penal Code dahil sa pagpapakasal niya kay Jimmy Fariscal habang kasal pa siya kay Takahiko Sato, batay sa 𝘮𝘢𝘳𝘳𝘪𝘢𝘨𝘦 𝘤𝘦𝘳𝘵𝘪𝘧𝘪𝘤𝘢𝘵𝘦 na inisyu ng Office of the Civil Registrar General.
Sa paglilitis, iginiit ni Lapira na walang bisa ang kanyang kasal kay Sato dahil walang isinagawang seremonya at walang naisyung 𝘮𝘢𝘳𝘳𝘪𝘢𝘨𝘦 𝘭𝘪𝘤𝘦𝘯𝘴𝘦—mga rekisitong kinakailangan para magkaroon ng bisa ang kasal. Kinumpirma rin ng Local Civil Registrar na walang rekord ng aplikasyon para sa 𝘮𝘢𝘳𝘳𝘪𝘢𝘨𝘦 𝘭𝘪𝘤𝘦𝘯𝘴𝘦 nina Lapira at Sato.
Sa pag-absuwelto kay Lapira, ginamit ng Korte Suprema ang naging pasya nito sa kasong Pulido v. People noong 2021. Ayon sa naturang desisyon, maaaring direktang igiit ng isang akusado sa kasong 𝘣𝘪𝘨𝘢𝘮𝘺 na walang bisa ang nauna nitong kasal bilang depensa, kahit wala pang naunang deklarasyon mula sa hukuman na nagpapawalang-bisa rito.
Ipinaliwanag ng Korte Suprema na isa sa mahahalagang elemento ng 𝘣𝘪𝘨𝘢𝘮𝘺 ang pagkakaroon ng may bisa na naunang kasal. Kung ang unang kasal ay walang bisa na mula pa sa simula, nangangahulugang wala ang naturang elemento ng 𝘣𝘪𝘨𝘢𝘮𝘺.
Sa kasong ito, sapat na patunay ang sertipikasyong inilabas ng Local Civil Registrar na walang 𝘮𝘢𝘳𝘳𝘪𝘢𝘨𝘦 𝘭𝘪𝘤𝘦𝘯𝘴𝘦 na naisyu kina Lapira at Sato. Dahil dito, napabulaanan ang pagpapalagay o 𝘱𝘳𝘦𝘴𝘶𝘮𝘱𝘵𝘪𝘰𝘯 na wasto ang marriage certificate.
Basahin ang kabuuan ng 𝐏𝐫𝐞𝐬𝐬 𝐑𝐞𝐥𝐞𝐚𝐬𝐞 sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=171178.
Basahin ang kabuuan ng 𝐃𝐞𝐬𝐢𝐬𝐲𝐨𝐧 sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=165698.
Sumunod sa 𝐂𝐫𝐞𝐝𝐢𝐭 𝐀𝐭𝐭𝐫𝐢𝐛𝐮𝐭𝐢𝐨𝐧 𝐏𝐨𝐥𝐢𝐜𝐲 ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/.