03/03/2026
Muling iginiit ng na ang mga corporate directors at officers ay maaaring singilin para sa kabuuang halaga ng pananagutan ng manning agency para sa pagbabayad ng mga benepisyo sa kapansanan ng mga seafarer o marino sa ilalim ng Republic Act No. 8042 o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, as amended.
Sa isang Desisyon na isinulat ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez, pinagbigyan ng Special First Division ng Korte Suprema ang motion for partial reconsideration sa naunang Desisyon nito na tanging Magsaysay Maritime Corporation (Magsaysay) at Princess Cruises Ltd. (Princess Cruises) ang pinapanagot para sa mga benepisyo sa kapansanan ng seafarer nito. Nagpasya ang Korte Suprema na solidarily liable si Magsaysay Fleet Director Sorwin Joy G. Rivera (Rivera) na ibig sabihin ay maaari siya ang pagbayarin ng buong halagang dapat bayaran.
Kinuha ng manning agency na Magsaysay si Ruthgar T. Parce (Parce) bilang electrical fitter para sa foreign principal nitong Princess Cruises. Matapos siyang masugatan habang nagtatrabaho sa barko, pinabalik siya sa Maynila, kung saan na-diagnose siya ng itinalagang doktor ng kumpanya na siya ay may rotator tendinitis sa kanyang balikat at inirerekomenda nito ang physical therapy.
Pagkalipas ng ilang buwan, sinabihan si Parce na naabot na niya ang maximum na medikal na pagpapagamot at hindi na ipagpapatuloy ang kanyang sickness allowance. Batay dito, idineklara siyang angkop nang magtrabaho sa Princess Cruises.
Humingi si Parce ng pangalawang medikal na opinyon dahil patuloy siyang nakaramdam ng kirot. Sinabi sa kanyang ng kinunsultang doktor na hindi sya karapat-dapat para sa trabahong pandagat. Hiniling ni Parce sa Magsaysay na magpatingin sa pangatlong doktor, ayon na rin sa patakaran, at humingi rin siya ng kopya ng kanyang talaang medikal. Tinanggihan ito ng Magsaysay na humingi ng kopya ng ulat ng pangalawang doktor para tingnan ang isang posibleng pag-aayos. Nagsampa ng reklamo si Parce sa Labor Arbiter (LA) para sa mga benepisyo sa kapansanan at reimbursement ng mga gastusing medikal.
Nagpasya ang LA pabor sa kanya at inatasan ang Magsaysay at Princess Cruises na magbayad ng USD 60,000 sa mga benepisyo sa kapansanan. Sinabi ng LA ang hindi kumpleto ang ulat ng itinalagang doktor ng kumpanya dahil nabigo itong sabihin ng klaro na karapat-dapat na magtrabaho si Parce. Pinagtibay ng National Labor Relations Commission ang LA at sinabing dapat managot si Rivera kasama ng Magsaysay at Princess Cruises.
Binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon at binigyang-pansin na hindi agad kinuwestiyon ni Parce ang kanyang medical assessment na nagpahina sa kanyang kaso.
Hindi sumang-ayon ang Korte Suprema na nagsabing dapat managot ang Magsaysay at Princess Cruises dahil hindi kumpleto ang ulat ng doktor na itinalaga ng kumpanya na hindi nagbigay kay Parce ng anumang dokumento para makipaglaban nang maayos. Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng LA na itinuring nang permanenteng may kapansanan si Parce sa ilalim ng batas.
Naghain si Parce ng motion for partial reconsideration na hinihiling na ideklara ring solidarily liable si Rivera kasama ng mga kumpanya. Pinagbigyan ito ng Korte Suprema.
Ayon sa Section 10 ng Republic Act No. (RA) 8042, o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, malinaw na kapag ang isang recruitment agency ay isang korporasyon o partnership, ang mga opisyal, direktor, o partner nito ay mananagot ito sa kumpanya para sa anumang mga claim sa pera na iginawad sa mga overseas Filipino workers.
Ipinaliwanag ng Korte Suprema na habang ang mga opisyal ng korporasyon ay, sa pangkalahatan, hindi personal na mananagot para sa mga kontratang pinasok ng kanilang kumpanya, nalalapat ang isang eksepsiyon kapag partikular ang isang batas na nagpapanagot sa kanila. Sa kasong ito, si Rivera, isang corporate officer ng Magsaysay, ay pinanagutan ng kumpanya para sa permanenteng mga benepisyo sa kapansanan ni Parce. Pinangalanan si Rivera sa reklamo bilang "Owner/President/Manager" at pumirma sa kontrata sa pagtatrabaho sa ngalan ng kumpanya.
Dagdag ng Korte Suprema, nang mag-apply ang Magsaysay para sa lisensya nito para gumana bilang isang manning agency, inatasan ang mga opisyal at direktor nito, sa ilalim ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Rules, na magsumite ng isang verified undertaking na ginagawa silang solidarily liable para sa mga claim na nagmumula sa relasyon ng employer-employee.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang Section 10 ng RA 8042 at ang kaugnay na Mga Panuntunan ng POEA ay itinuturing na bahagi ng kontrata sa pagtatrabaho ng bawat marino. Ang mga probisyong ito ay naaayon sa patakaran ng Estado sa pagbibigay ng proteksiyon sa paggawa at pagpapagaan sa kalagayan ng mga manggagawa at nilayon upang tiyakin ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa na agaran at sapat na pagbabayad ng dapat sa kanila, ayon sa Korte Suprema.
Basahin ang press release sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=161450.
Basahin ang buong Desisyon sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=161442.
Sumunod sa Credit Attribution Policy ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/.