15/09/2026
Pinatawan ng ng indirect contempt ang isang bar review coach dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa 2023 Bar Examinations sa Facebook, matapos niyang sabihin na susuriin ang nasabing pagsusulit gamit ang artificial intelligence o AI.
Sa isang Per Curiam na Desisyon, idineklara ng En Banc ng Korte Suprema na may pananagutan si Edgar S. Dizon, administrador ng Facebook group na Bar Law for Dummies, dahil sa indirect contempt. Pinagmulta siya ng Korte ng PHP 30,000 at iniutos ang pag-alis ng kanyang pangalan sa listahan ng mga pumasa sa 2016 Bar Examinations.
Noong Setyembre 21, 2023, nag-viral ang isang post mula sa Facebook group at account na Tsidkenu Dizon na artificial intelligence (AI) umano ang sasala at magwawasto sa 2023 Bar Exams, kasabay ng payong:
“ALWAYS START WITH YES or NO.
Yan ang unang hahanapin ng AI Checking to sort out the correct answers.”
Dahil dito, kinailangang imbestigahan ng Office of the 2023 Bar Chair (BCO), sa pamumuno ni Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, ang pinagmulan ng post at alamin ang naging epekto nito sa pagsusulit. Naglabas din ito ng advisory na nililinaw na apat na human examiner para sa bawat subject ang susuri sa mga pagsusulit, na pawang eksperto sa kani-kanilang larangan.
Sa halip na alisin ang post, nagbanta pa si Dizon na magsasampa ng kaso laban sa Korte at hiniling nito na humingi ang Korte ng tawad sa loob ng 24 oras. Nagpadala rin siya ng ilang email sa Judiciary Public Assistance Section ng Korte Suprema na nagsasabing nagkaroon ng chilling effect sa kanya ang advisory. Itinanggi niyang nagpakalat siya ng maling impormasyon at hiniling sa Korte na maglabas ng pahayag na nagwawasto sa advisory.
Inamin ni Dizon na siya ang may-ari ng Facebook account matapos siyang atasan ng Korte na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng indirect contempt dahil sa panghihimasok sa pagsasagawa ng 2023 Bar Examinations. Gayunman, itinanggi niyang sinabi niyang AI ang susuri sa mga pagsusulit, at iginiit na ginamit niya sa kanyang post ang mga salitang “TO HELP.”
Hindi nakumbinsi ang Korte at pinanagot si Dizon sa ilalim ng Rule 71, Section 3 ng Rules of Court, na nagpaparusa sa ilegal na panghihimasok sa mga proseso ng korte sa labas ng courtroom, mga gawaing nakasisira sa dangal ng mga hukuman o nagpapahina sa tiwala ng publiko sa pangangasiwa ng hustisya, at hindi awtorisadong pagsasagawa ng abogasya bilang indirect contempt.
Sinabi ng Korte na ang post ni Dizon ay makakaapekto sa integridad ng Bar Exams at ng Korte Suprema mismo na siyang nangangasiwa sa propesyon ng pag-aabogasya.
Napatunayan din na nagdulot ng kalituhan at pangamba ang maling impormasyon. Kinailangan ng mga opisyal ng Bar na ilaan ang kanilang limitadong oras at gamit sa pagtukoy sa pinagmulan ng post, pakikipag-ugnayan sa mga ahensiya ng pamahalaan, pagpapalabas ng mga paglilinaw, at pagtugon sa maraming katanungan.
Binalaan din ng Korte si Dizon laban sa hindi awtorisadong pagpapraktis ng abogasya dahil nagsagawa siya ng mga bar review coaching session at nagsulat ng ilang bar review materials kahit hindi siya abogado. Inamin ni Dizon na bagama’t pumasa siya sa 2016 Bar Examinations, hindi pa siya nanunumpa bilang abogado dahil sa mga nakabinbing kasong kriminal laban sa kanya.
Sa kanyang Separate Concurring Opinion, sumang-ayon si Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen na dapat parusahan si Dizon dahil sa pagsira sa integridad ng Bar Examinations. Gayunman, binigyang-diin din niya ang pangangailangang timbangin ang kapangyarihan ng Korte na magparusa sa contempt at ang karapatang konstitusyonal sa malayang pagpapahayag, kabilang ang lehitimong pagpuna sa mga hukuman.
Basahin ang press release sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=172950.
Basahin ang Desisyon sa https://sc.judiciary.gov.ph/4734-in-re-social-media-posts-of-edgar-s-dizon/.
Basahin ang Separate Concurring Opinion ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen sa https://sc.judiciary.gov.ph/4734-separate-concurring-opinion-senior-associate-justice-marvic-m-v-f-leonen/.
Sumunod sa Credit Attribution Policy ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/.